Wednesday, July 2, 2014

Elehiya Kay Ram ni Pat Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay 
Di mo na kailangang humakbang pa 
Sapagkat simula't simula pa'y pinatay ka na 
Ng matitigas na batong naraanan mo 
Habang nakamasid lamang 
Ang mga batang lansangang nakasama mo 
Nang maraming taon. 
Silang nangakalahad ang mga kamay 
Silang may tangang kahon ng kendi't sigarilyo 
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo. 

Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo 
Bunga ng maraming huwag at bawal dito 
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos 
Ang maraming bakit at paano 
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw'y tao 
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo. 
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili. 
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo 
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap 
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid. 

Ay, kaylamig ng sementadong mga baytang 
Ng gusali ng finance at turismo 
Habang pinatnubayan ka ng bilog na buwan 
At nagkikislapang mga bituin sa pagtulog mo. 
At bukas, at susunod na mga bukas, tulad ng maraming bukas 
Iyon at iyon din ang araw na sasalubong sa iyo. 
Nakangiti ngunit may pait 
Mainit ngunit may hapdi 
May kulay ngunit mapusyaw 
Paulit-ulit, pabalik-balik 
Pabalik-bai, paulit-ulit 
Ang siklo ng buhay na kinasadlakan mo. 

At isang imbensyon ang iyong nalikha 
Kayraming sa iyo ay lubusang humanga. 
Mula sa teoryang laba-kusot-banlaw-kula-banat, 
Napapaputi mo ang nag-iisang polong puti 
Sa tulong ng mga dahon. 
Napapaunat mo ang nag-isiang polong puti 
Sa ibabaw ng mga halaman. 
Napapabango mo ang nag-iisang polong puti 
Sa patak ng alcohol. 
Laba-kusot-banlaw-kula-banat. 
Laba-kusot-banlaw-kula-banat. 
Laba-kusot-banlaw-kula-banat. 

At habang hinahanap mo ang nawawala mong ama 
Upang may mahingan ka ng pambili ng libro 
O magsabit ng mga medalya sa dibdib mo 
Kayrami naming naging ama-amahan mo. 
Habang ang iyong ina'y nag-aalok ng kendi't sigarilyo 
Upang may maiapabaon sa iyo 
Kayrami naming naging ina-inahan mo. 
Habang namimighati ka sa harap ng kapatid mong 
Pinaslang sa Aristocrat, 
Kayrami naming naging kuya-kuyahan mo. 
Habang naghahanap ka ng mga taong kakaibiganin 
Upang magbahagi ng iyong karanasan 
Kayrami naming naging kaibigan mo. 
Sa PNU sumibol ang mga bagong ate mo. 
Sa PNU nalikha ang mga bagong kuya mo. 
Sa PNU nabuo ang bagong pamilya mo. 

Ay, ang uniporme pala'y napapuputi ng mga dahon 
At napauunat ng mga halaman; 
Ay, ang kalam ng sikmura pala'y napabubusog 
Ng pagtakam at pag-idlip; 
Ay, ang pagbabasa pala'y may hatid-tulong mula sa poste ng Meralco 
Habang nakatayo ka't tangan ang libro; 
Ay, ang sakit pala'y napagagaling 
Ng magdamag na paglimot; 
Ay, ang paliligo pala't paggamit ng banyo 
Ay may katumbas na piso; 
Ay, ang pangungulila pala'y nahahawi 
Ng pag-awit at pagsulat. 
Umaawit ka't sumusulat 
Sumusulat ka't umaawit. 
Habang ang titik na nalilikha'y 
Walang himig ng harana 
Walang tinig ng kundiman 
Walang indayog ng oyayi. 

At ang mundo mo'y nabago ng pag-ikot 
Ikot pakaliwa, ikot pakanan 
Ikot paitaas, ikot paibaba 
Ikot papaloob, ikot papalabas 
Pangalan mo'y parang bulaklak na humahalimuyak 
Simbango ng pabango mong iwiniwisik 
Sa katawan mong walang pilat 
Binabanggit-banggit saan mang lugar 
Sinasambit-sambit ng mga guro't mag-aaral. 
Ilang bituin s alangit ang hinangad mong sungkutin 
Ilang saranggola sa ulap ang ninais mong maangkin 
Kung ang mga bituin sana'y di nagkulang ng kinang at ningning 
Sana, kahit kometa'y ilalatag ko't sa mga palad mo'y aking ihahain 
Kung ang saranggola sana'y di dinagit ng hangin 
Sana guryon itong sabay nating bubuuin. 

Ay, wala na. 
Tuluyan nang naglaho ang kinang at ningning ng mga bituin. 
Tuluyan nang humalik sa lupa ang saranggolang dinagit ng hangin. 
Sa paglalakbay mo, 
Ang naiwan sa amin ay isang blangkong papel 
Di naming matuldukan upang mapasimulan ang isang pagguhit. 
Di naming maguhitan upang maitala ang maraming katanungan. 
Di namain matanong upang hingan nang kalinawan. 
Sana, sa paglalakbay mo'y makahuli ka ng mga sisiw 
Sana, sa paglalakbay mo'y may matanggal na piring 
Sana, sa paglalakbay mo ay may timbangan kang maaangkin. 

At kapag natupad ito 
Kaming mga nakasama mo 
Kaming mga nagmahal sa iyo 
Ay lilikha ng bagong himno ng paglalakbay 
Isang himnong ang mga titik ay kalinisan ng puso 
Isang himnong may himig ng pananagumpay 
Dahil para sa amin, 
Ikaw ang himno 
May puso kang malinis 
Kaya't dito sa lupa'y ganap kang nagtagumpay. 
Sa kabilang buhay, ikaw pa rin ang magtatagumpay.